--Ads--

Kinontra ni Senador Risa Hontiveros ang naging paliwanag ni Senador Robin Padilla hinggil sa paggamit ng terminong “force majeure” bilang posibleng batayan upang payagan ang remote participation ng mga senador sa plenary sessions ng Senado.

Naging mainit ang diskusyon kaugnay ng panukalang pagbabago sa Senate rules matapos mag-walk out ang minority bloc noong Mayo 26 dahil sa umano’y minamadaling pag-apruba sa remote participation o online attendance ng mga senador sa plenaryo.

Sa gitna ng kontrobersiya, nagpaliwanag si Padilla tungkol sa kahulugan ng “force majeure,” at binanggit ang iba’t ibang pandaigdigang krisis bilang mga halimbawa nito.

Ipinaliwanag din niya na ang force majeure ay tumutukoy sa mga pangyayaring wala sa kontrol ng tao tulad ng bagyo, baha, lindol, digmaan, terorismo, at iba pang emergency situations.

--Ads--

Binanggit din ng senador ang posibilidad ng matinding El Niño phenomenon sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027 na maaaring magdulot ng matinding tagtuyot sa bansa.

Sa huli, tila pinatutsadahan din ni Padilla ang ilang kasamahan sa Senado nang sabihin niyang, “Akala ko ba pro-active ang dating majority?”

Subalit ayon kay Hontiveros, hindi maituturing na force majeure ang mga sitwasyong binanggit ni Padilla.

Aniya, ang mga isyung gaya ng giyera sa Middle East, tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, at climate change ay matagal nang umiiral at hindi naging dahilan noon upang magsagawa ng online work ang Senado.

Iginiit din ni Hontiveros na malinaw sa Senate Rules na pinapayagan lamang ang videoconferencing sa panahon ng force majeure o national emergency, gaya ng nangyari noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag o tugon si Padilla kaugnay sa naging reaksiyon ni Hontiveros.