--Ads--

Magkakaroon ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na Linggo subalit umaasa ang grupong PISTON na sana’y mas malaki pa sa susunod ang bawas presyo.

Batay sa anunsiyo, ang diesel ay posibleng matapyasan ng P6.50 – P7.50 per liter habang ang gasolina ay maaaring mabawasan ng P3.50 hanggang P4.50 kada litro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mody Floranda, Presidente ng PISTON, sinabi niya na bagama’t malaking tulong para sa kanilang hanay ang nakatakdang rollback,  masyado pa ring mataas ang presyo ngayon na malayo pa sa dating presyo noon na mahigit 50 pesos lamang per liter.

Mayroon namang 240 gasolinahan sa bansa na nagbibigay ng 10 pesos kada litro na fuel subsidy sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers subalit hindi naman umano ito accessible sa lahat ng mga namamasada sapagkat nakadepende ito kung saan nakapwesto ang mga gasolinahan.

--Ads--

Samanatala, dahil bumababa na ang presyo ng mga produktong petrolyo ay unti-unti nang bumabalik sa pamamasada ang ilang mga tsuper, gayunman, mayroon pang ilan na hindi nakakabalik kaya ramdam pa rin ang kakulangan ng pampublikong transportasyon pangunahin na sa Metro Manila.