Arestado ang isang babaeng janitor matapos umanong magnakaw ng iba’t ibang beauty at nail care products sa loob ng isang malaking mall sa Lungsod ng Cauayan nitong unang araw ng Hunyo.
Itinago ang suspek sa alyas na Mika, residente ng Burgos, Isabela at kasalukuyang nagtatrabaho bilang janitor sa nasabing establisimyento.
Batay sa paunang imbestigasyon, humingi umano ang suspek ng isang asul na plastic bag mula sa isang cashier bago nagtungo sa beauty products section.
Doon ay palihim umano nitong kinuha ang ilang nail care at beauty products at inilagay sa isang basket.
Kabilang sa mga narekober na produkto ang toenail clipper, dual-ended pusher, nail file, cuticle remover, nail polish, nail brush, toenail nipper, at cuticle pusher na may kabuuang halagang P837.50.
Nang makarating umano sa food service center, inilipat ng suspek ang mga produkto mula sa basket patungo sa plastic bag at saka itinago ang mga ito sa loob ng kanyang jacket nang hindi dumaraan sa check-out counter upang magbayad.
Gayunman, napansin umano ng dalawang duty entrance guard ang kahina-hinalang kilos ng suspek kaya agad nila itong sinita.
Nang hingan ng resibo bilang patunay ng pagbili, nabigo umano itong magpakita ng anumang dokumento.
Dahil dito, agad itong isinailalim sa citizen’s arrest bago itinurn-over sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.










