Naglagay na ng mga traffic signages ang Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City bilang bahagi ng pagpapatupad ng bagong traffic rerouting at one-way traffic scheme sa ilang pangunahing lansangan sa lungsod.
Batay sa obserbasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nakapuwesto na ang mga karatula sa mga kalsadang sakop ng bagong traffic scheme upang gabayan ang mga motorista sa mga pagbabago sa daloy ng trapiko.
Kabilang sa mga ipinatutupad na one-way streets ang Roxas Street na magsisilbing daanan ng mga sasakyang papasok mula sa Maharlika Highway patungo sa sentro ng lungsod at Rizal Avenue.
Samantala, ang Cortes Street naman ang magsisilbing labasan ng mga sasakyan patungo sa Maharlika Highway, partikular sa bahagi ng public market.
One-way na rin ang Mabini Street patungo sa bahagi ng Cauayan South Central School sa District 1 habang one-way naman patungo sa Pilar Street ang ilang lansangan sa Baligatan District.
Kabilang din sa mga binagong ruta ang Felix Bucag Street at Burgos Street na magsisilbing one-way roads patungo sa Rizal Avenue.
Kasama rin sa ipinatutupad na traffic rerouting scheme ang mga pagbabawal sa ilang left turn at right turn sa mga interseksyon ng Roxas Street, Cortes Street, Quezon Street, African Street, Dalupang Street at iba pang kalapit na lansangan upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko sa sentro ng lungsod.
Sa isinagawang pagmomonitor ng Bombo Radyo Cauayan, kapansin-pansin na may ilang motorista pa ring nalilito sa bagong traffic scheme dahil sa mga pagbabagong ipinatutupad sa mga pangunahing kalsada.
Bagama’t may ilan pang nangangapa sa bagong sistema, marami rin ang umaasang magiging epektibo ito sa pagpapaluwag ng trapiko sa oras na masanay ang mga motorista sa mga bagong ruta.
Kasabay nito, patuloy din ang operasyon ng Public Order and Safety Division laban sa mga sasakyang ilegal na nakaparada at nakahahadlang sa daloy ng trapiko. Ilang sasakyan na rin ang nilagyan ng wheel clamp dahil sa paglabag sa no-parking regulations at itinuturing na obstruction sa lansangan.
Ayon sa POSD, bahagi ang bagong traffic rerouting at one-way traffic scheme sa paghahanda ng lokal na pamahalaan sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8 upang matiyak ang mas maayos at mas mabilis na daloy ng trapiko lalo na sa mga pangunahing lansangan at mga lugar na malapit sa mga paaralan.
Patuloy namang hinihikayat ng mga otoridad ang publiko na sundin ang mga bagong traffic signages at makipagtulungan upang maging matagumpay ang implementasyon ng naturang programa.











