Inaprubahan ng Sangguniang Barangay ng San Andres, Santiago City ang isang ordinansang naglalayong isulong ang urban gardening bilang bahagi ng pangangalaga sa kalikasan, seguridad sa pagkain at pagpapaunlad ng turismo sa komunidad.*
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Mark Joseph Tayad, chairman ng Committee on Environmental Management at may-akda ng panukala, sinabi nito na layunin ng ordinansa na hikayatin ang bawat purok sa barangay na magtanim ng mga gulay at prutas sa ilalim ng programang San Andres Edible Tourism Program at Gulayan sa Kalsada: Purok-Based Thematic Urban Gardening and Streetscape Edible Landscaping System.
Ayon kay Tayad, magkakaroon ng thematic assignment ang bawat purok sa pamamagitan ng bunutan upang matukoy kung anong uri ng gulay o prutas ang kanilang pagtutuunan ng pagtatanim. Bahagi rin ng programa ang pagpapatupad ng mandatory household urban gardening gamit ang bakuran, container gardening at vertical gardening methods.
Sinabi pa niya na inaasahang magiging kapaki-pakinabang ang ordinansa hindi lamang sa sektor ng agrikultura kundi maging sa turismo at pangangalaga sa kapaligiran. Aniya, maaaring magsilbing bagong tourism attraction ang mga edible landscape habang nakatutulong din sa produksyon ng pagkain sa komunidad.
Inaasahan ding makikilahok sa programa ang mga negosyo, paaralan at iba pang institusyon upang higit pang mapalawak ang saklaw ng urban gardening sa barangay.
Kapag ganap nang naipatupad, inaasahang magiging tampok sa mga lansangan at komunidad ng San Andres ang mga edible landscape na binubuo ng iba’t ibang gulay at prutas bilang suporta sa food security, environmental sustainability at pagpapasigla ng lokal na turismo.






