Isang tao ang nasawi at mahigit 60 ang nasugatan matapos ang drone strike sa Kuwait International Airport sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Tinukoy ng Kuwait Ministry of Defence ang insidente bilang “criminal Iranian aggression,” habang sinabi ng foreign ministry na ilang diplomatic missions ang naapektuhan ng pag-atake.
Ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), sila ang nasa likod ng operasyon at iginiit na ito ay ganti sa kamakailang aksyon ng Estados Unidos laban sa isang Iranian oil tanker at sa Qeshm Island. Sinabi rin ng Iran na target ng operasyon ang mga U.S. base sa iba’t ibang bahagi ng Gulf region.
Kinumpirma ng mga awtoridad na isang Indian national ang nasawi. Ayon sa Indian foreign ministry, ilan ding Indian citizens ang nasugatan at nanawagan ito ng agarang de-escalation ng sitwasyon.
Bilang tugon, pinauwi ng Kuwait ang dalawang Iranian diplomats sa loob ng 24 oras at ipinatawag ang Iranian chargé d’affaires.











