Inaprubahan ng Sandiganbayan ang kahilingan para sa hospital arrest ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Sa inilabas na resolusyon ng Fifth Division ng Sandiganbayan, pinayagan ang dating kalihim na manatili sa Philippine National Police (PNP) General Hospital sa Camp Crame sa halip na sa The Medical City.
Batay sa mosyon ng kanyang abogado, isinulong ang kahilingan dahil sa edad ni Bonoan at sa mga iniindang karamdaman, na nangangailangan umano ng mas maayos at tuloy-tuloy na medikal na atensyon.
Mananatili si Bonoan sa PNP General Hospital habang nakabinbin ang kanyang kaso.
Matatandaang isinugod sa pagamutan ang dating kalihim matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong plunder sa Sandiganbayan.
Nahaharap din siya sa hiwalay na mga kaso ng graft at plunder kasama ang iba pang personalidad, kabilang si Senator Jinggoy Estrada, kaugnay umano ng anomalya sa flood control project.











