--Ads--

Nananatiling pangunahing hamon sa pagproseso ng birth certificate ng ilang nakatatandang residente sa Santiago City ang kakulangan ng mga kinakailangang dokumento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jovelyn Retamal, City Government Assistant Department Head I ng Local Civil Registry Office (LCRO) ng Santiago City, sinabi nitong patuloy nilang tinutukoy, katuwang ang mga barangay, ang mga senior citizen na wala pang rehistradong kapanganakan upang maisama sa mga programang naglalayong matulungan silang magkaroon ng birth certificate.

Ayon kay Retamal, bagama’t libre at mas pinadali na ang proseso sa ilalim ng mga programa ng pamahalaan, madalas pa ring naaantala ang aplikasyon dahil sa kakulangan ng mga dokumentong magpapatunay ng pagkakakilanlan at kapanganakan ng mga aplikante.

Dahil dito, patuloy na nagsasagawa ang LCRO ng information drive at dokumentaryong assistance upang matulungan ang mga benepisyaryo na makumpleto ang mga kinakailangang requirements at mapabilis ang kanilang pagpaparehistro.

--Ads--

Aniya, mahalagang magkaroon ng birth certificate ang mga senior citizen upang mas madali nilang ma-access ang iba’t ibang benepisyo at serbisyong iniaalok ng pamahalaan para sa kanila.