Mahigit P1.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang hinihinalang high-value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Divisoria, Santiago City.
Ang suspek ay 31-anyos, binata, construction worker at residente ng Cavite.
Batay sa ulat, pinangunahan ng City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office (SCPO), katuwang ang Police Station 4 ng SCPO at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 212 gramo. Ayon sa standard drug price, umaabot sa P1,441,600 ang halaga ng nasabing kontrabando.
Narekober din ng mga awtoridad ang isang Oppo A5i Android cellphone na pinaniniwalaang ginamit sa umano’y ilegal na transaksyon. Agad na minarkahan at isinailalim sa imbentaryo ang mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan ng National Prosecution Service at isang barangay kagawad ng Barangay Divisoria bilang pagsunod sa itinakdang proseso sa paghawak ng ebidensya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng operating unit ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











