--Ads--

Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na kumpleto at handa na ang seguridad para sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan bukas, araw ng Biyernes.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., wala pang natatanggap na beripikadong banta kaugnay ng selebrasyon ng Independence Day. Binigyang-diin niya na taun-taon ay inaasahan at pinaghahandaan ng pulisya ang ganitong okasyon.

Nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matiyak ang maayos na koordinasyon sa mga operasyon ng seguridad. Nakaantabay din ang mga pulis sa buong bansa para agad na rumesponde sakaling may aberya.

Sa Metro Manila, aabot sa humigit-kumulang 12,000 police personnel at force multipliers ang ipapakalat. Tututukan ang seguridad sa mga pangunahing lugar tulad ng Rizal Park, Bonifacio Monument, Pinaglabanan Memorial Shrine, Malacañang area, at paligid ng United States Embassy in Manila.

--Ads--

Ayon sa PNP, nakahanda rin ang seguridad sa paligid ng Kongreso at Senado, kasabay ng mga posibleng protesta kaugnay ng kasalukuyang sitwasyong pampulitika.

Tiniyak ng PNP na mananatiling alerto at handa ang kanilang hanay upang mapanatili ang kapayapaan habang ipinagdiriwang ng bansa ang Araw ng Kalayaan.