--Ads--


Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na layon ng pamahalaan na mabigyan ng kumpletong aklat ang bawat mag-aaral sa pampublikong paaralan sa lahat ng asignatura sa School Year 2026–2027 sa ilalim ng mas pinalakas na pondo para sa mga kagamitang panturo.

Ayon kay Gatchalian, nakapaloob sa 2026 national budget ang pondo para sa pagpapatupad ng 1:1 textbook ratio o tig-iisang aklat para sa bawat mag-aaral, bilang bahagi ng pagsisikap na mapahusay ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Sinabi ng senador na umabot sa ₱19.5 bilyon ang inilaan ng pamahalaan ngayong taon para sa pagbili ng mga aklat at iba pang instructional materials, na mas mataas kumpara sa karaniwang ₱5.475 bilyon kada taon mula 2021 hanggang 2025.

Binigyang-diin niya na mahalagang matugunan hindi lamang ang kakulangan sa mga silid-aralan kundi maging ang kakulangan sa mga kagamitang panturo na direktang nakaaapekto sa pagkatuto ng mga estudyante.

--Ads--

Giit pa ni Gatchalian, pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral ang pagkakaroon ng sariling aklat upang masiguro ang mas epektibong pagkatuto sa loob ng silid-aralan.

Batay sa 2024 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), mas mababa ng humigit-kumulang limang puntos sa reading assessments ang mga mag-aaral na walang sariling aklat o nakikihati lamang kumpara sa mga may personal na kopya.

Lumabas din sa naturang pag-aaral na 52% lamang ng Grade 5 students ang may sariling aklat, habang 42% ang nakikihati sa ibang mag-aaral.

Umaasa si Gatchalian na sa pamamagitan ng pinalaking pondo para sa mga aklat at learning materials ay mas mapapalakas ang access ng mga mag-aaral sa mahahalagang kagamitan sa pag-aaral at maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.