Timbog ang isang 19-anyos na lalaki matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Bayombong Municipal Police Station kaugnay ng umano’y ilegal na bentahan ng baril sa Barangay Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, Chief of Police ng Bayombong Municipal Police Station, sinabi nitong ikinasa ng kanilang mga operatiba ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng isang baril.
Ayon kay PMaj. Ayungo, narekober mula sa suspek ang isang .38 caliber short revolver na walang serial number.
Bagama’t walang lamang bala ang naturang baril, nananatili umano itong gumagana at maaari pa ring magamit.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang P5,000 na marked money na ginamit sa isinagawang transaksyon sa pagitan ng suspek at ng nagpanggap na buyer na miyembro ng Philippine National Police.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi umano ng suspek na layunin lamang nitong ipagbili o i-dispose ang naturang baril.
Batay sa rekord ng pulisya, ito ang unang pagkakataong naaresto ang suspek sa ganitong uri ng paglabag. Gayunman, sinabi ni PMaj. Ayungo na patuloy pang sinusuri ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang suspek sa ilang naitalang insidente ng pagnanakaw sa lugar.
Muli namang pinaalalahanan ng ang publiko na sumunod sa umiiral na mga batas hinggil sa pagmamay-ari ng baril sa pamamagitan ng pagkuha ng kaukulang lisensya at pagpaparehistro upang maiwasan ang paglabag sa batas.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.











