Iginiit ng pamunuan ng Isabela State University (ISU) System na hindi maiiwasan ang pagbabago bilang bahagi ng inobasyon at patuloy na pag-unlad ng institusyon.
Ito ay kaugnay ng ipinatupad na resolusyon ng Unibersidad na nagtatakda na ang mga graduating students ngayong taon ay magsusuot ng aprubadong ISUgbit bilang kanilang opisyal na academic regalia sa nalalapit na commencement exercises, kapalit ng tradisyonal na toga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni ISU President Boyet L. Batang na sa kabila ng maraming panawagan mula sa mga estudyante na muling pag-aralan ang desisyon, nananatiling matatag ang pamunuan ng unibersidad sa pagpapatupad ng resolusyon ng Board of Regents (BOR) na nag-aatas ng paggamit ng ISUgbit bilang opisyal na kasuotan sa graduation.
Aniya, maraming State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa ang matagal nang hindi gumagamit ng toga at may sarili na ring disenyo ng academic regalia bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan at pagpapakita ng academic excellence.
Giit pa ni Dr. Batang, dumaan sa tamang proseso, konsultasyon, at malawak na pag-uusap ang naturang desisyon bago ito tuluyang ipinatupad, alinsunod sa mga umiiral na alituntunin ng unibersidad.
Dagdag pa niya, bilang konsiderasyon sa mga estudyante at magulang, maaari pa ring magdala ng tradisyunal na toga para sa mga aktibidad tulad ng pictorial at iba pang pre-graduation rites, habang ang ISUgbit naman ang magiging opisyal na susuotin sa mismong graduation ceremony.
Giit din ng ISU President, hindi umano mahal ang halaga ng ISUgbit at isinasaalang-alang din ng unibersidad ang ginhawa ng mga magtatapos, lalo na sa mainit na panahon kung saan mas mabigat at hindi komportable ang pagsusuot ng tradisyunal na gown.
Noong nakaraang taon pa sana ipapatupad ang naturang patakaran, ngunit pinagbigyan pa ng unibersidad ang mga graduating students na gumamit ng tradisyunal na gown at toga. Dahil dito, ngayong taon ay muling itutulak ang implementasyon ng ISUgbit bilang opisyal na academic regalia ng institusyon sa graduation ceremonies.











