Malaking ginhawa para sa mga tricycle driver at operator ang patuloy na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil nakatutulong ito upang mabawasan ang kanilang araw-araw na gastusin at madagdagan ang kanilang naiuuwing kita para sa kanilang pamilya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Noel Lucas, isang tricycle driver, sinabi nito na direktang naaapektuhan ng presyo ng petrolyo ang kanilang hanapbuhay dahil malaking bahagi ng kanilang kinikita ang napupunta sa pagpapakarga ng gasolina.
Ayon kay Lucas, kapag mababa ang presyo ng petrolyo ay mas maliit ang kanilang gastos sa operasyon at mas malaki ang natitirang kita na maaari nilang ilaan sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Aniya, malaking tulong sa mga tsuper ang mga ipinatutupad na rollback sa presyo ng langis dahil unti-unti silang nakakabawi mula sa epekto ng mga nakaraang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Dagdag pa niya, mas ramdam ng mga tricycle driver ang benepisyo ng pagbaba ng presyo ng gasolina lalo na sa mga panahong matumal ang pasada at limitado ang kanilang kinikita.
Samantala, umaasa ang mga tsuper na magtutuloy-tuloy ang magandang galaw ng presyo ng petrolyo upang higit pang mabawasan ang kanilang gastusin at makatulong sa kanilang kabuhayan.











