Iginiit ni Senador JV Ejercito na hindi siya nakipagkasundo o nakipagnegosasyon kay Senador Joel Villanueva para hikayatin ang mga senador na lumipat sa bagong majority bloc ng Senado.
Ayon kay Ejercito, nanatili lamang bukas ang komunikasyon nila nina Villanueva at Senador Francis “Chiz” Escudero dahil sa kanilang matagal nang samahan at pagtutulungan sa Senado. Dahil dito, naging daan siya upang maiparating ang mga mensahe sa magkabilang panig kung kinakailangan.
Nagpasalamat din si Ejercito kina Villanueva at Escudero sa tiwalang ibinigay sa kanya, lalo na matapos siyang mahalal bilang Senior Deputy Majority Floor Leader. Aniya, nanatili ang kanilang maayos na ugnayan kahit nagkaroon sila ng magkakaibang grupo sa Senado.
Binigyang-diin din ng senador na walang naging pangunahing kasunduan o kapalit sa paglipat ng ilang miyembro sa bagong mayorya.
Para kay Ejercito, ang desisyon ng mga senador na sumama sa bagong majority bloc ay pangunahing nakabatay sa kanilang hangaring makapagtrabaho nang maayos at sa kanilang pagpapahalaga sa institusyon ng Senado.











