Naging kinatawan ng Pilipinas ang isang kabataang Isabeleño sa 12th Youth Leadership Workshop on Global Citizenship Education na isinagawa ng UNESCO Asia-Pacific Centre of Education for International Understanding (APCEIU) sa Seoul, South Korea matapos mapabilang sa mga piling youth leaders mula sa iba’t ibang panig ng mundo na napili para sa prestihiyosong programa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angela Amin, Creative Team President ng Philippine Normal University (PNU) North Luzon at Global Citizenship Education (GCED) Ambassador, sinabi nito na isa siya sa 43 youth leaders na napili mula sa mahigit 10,000 aplikante sa buong mundo upang lumahok sa naturang workshop na naglalayong isulong ang pandaigdigang pagkamamamayan, pagkakaunawaan ng iba’t ibang kultura, kapayapaan at napapanatiling kaunlaran.
Ayon kay Amin, dumaan siya sa masusing proseso ng aplikasyon kung saan kinailangan niyang kumpletuhin ang mga online courses ng GCED, magsumite ng mga essays, ilahad ang kanyang mga karanasan at adbokasiya, gayundin ang kanyang mga credentials bilang kabataang lider.
Aniya, nakatulong sa kanyang pagpili ang matagal na niyang pagsusulong ng Global Citizenship Education, kabilang ang pagiging resource speaker sa iba’t ibang leadership trainings at workshops kung saan ibinabahagi niya ang kahalagahan ng Sustainable Development Goals (SDGs) at aktibong pakikilahok ng mga kabataan sa mga usaping panlipunan.
Ipinaliwanag ni Amin na layunin ng Global Citizenship Education na mahubog ang mga mamamayan upang maging mas mulat sa kanilang mga karapatan at responsibilidad, maging bukas sa iba’t ibang kultura, at makibahagi sa pagsusulong ng mga layunin para sa napapanatiling pag-unlad ng mundo.
Bukod sa workshop, inatasan din ang mga kalahok na bumuo ng project proposal na maaaring pondohan ng UNESCO APCEIU.
Para kay Amin, nakatuon ang kanyang panukalang proyekto sa pagbibigay ng kaalaman hinggil sa Global Citizenship Education sa mga kabataang kabilang sa mga Indigenous Peoples o katutubo.
Plano aniyang simulan ang naturang programa sa Philippine Normal University North Luzon, na nagsisilbi ring Indigenous Peoples Hub, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang katutubo na magkaroon ng mas malawak na kaalaman at maging mga lider sa kani-kanilang komunidad.
Aminado naman si Amin na hindi niya inaasahang mapipili sa naturang international workshop dahil sa dami ng mga aplikante mula sa iba’t ibang bansa. Gayunman, labis ang kanyang pasasalamat sa pagkakataong maipakita ang kakayahan ng kabataang Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Dagdag pa niya, bagama’t nakaramdam siya ng pressure dahil karamihan sa mga kasamang delegado ay mga propesyonal at nakapagtapos na ng mas mataas na pag-aaral, naging inspirasyon naman ito upang mas pagbutihin pa ang kanyang mga adbokasiya para sa kabataan at edukasyon.
Si Angela Amin ay tubong Cauayan City, Isabela.
Samantala, hinikayat ni Amin ang mga kabataan na maging aktibo sa mga programang pangkabataan at mga adbokasiyang naglalayong makapagbigay ng positibong pagbabago sa lipunan, habang ipinagpapatuloy naman niya ang pagsusulong ng Global Citizenship Education sa lalawigan at sa buong bansa.











