--Ads--

Mahigit 15 kumpanya ang lalahok sa job fair na isasagawa sa Hunyo 23 sa Isabela State University (ISU) Cauayan Campus bilang bahagi ng pagbibigay ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Santos, Administrative Officer ng ISU Cauayan, sinabi niya na puspusan na ang paghahanda para sa nasabing aktibidad upang matiyak na magiging maayos at kapaki-pakinabang ito para sa mga aplikante.

Ayon kay Santos, iba’t ibang industriya ang makikilahok sa job fair, kabilang ang mga private businesses gaya ng gas station, hotel, at supermarket, kaya’t iba’t iba rin ang mga posisyong bubuksan para sa mga aplikante.

Kabilang sa mga trabahong maaaring pag-aplayan ang mga posisyon sa administrative office, branch office, cashier, company attendant, at iba pang kaugnay na trabaho.

--Ads--

Hinimok naman ni Santos ang mga interesadong aplikante na dalhin ang kanilang mga pangunahing requirements tulad ng resume, transcript of records, certificate of employment, at iba pang dokumentong makatutulong sa kanilang aplikasyon.

Aniya, magiging isang one-stop shop ang job fair kung saan maaaring makapanayam ng mga employer ang mga aplikante at agad na masuri kung ang mga ito ay angkop sa pamantayan ng mga kumpanyang kalahok.

Umaasa naman ang pamunuan ng ISU Cauayan Campus na maraming job seekers ang makikinabang at magkakaroon ng pagkakataong makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng naturang aktibidad.