Naniniwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi gaanong maaapektuhan ng inaasahang El Niño ang produksyon ng palay sa bansa ngayong taon dahil nagsimula na ang tag-ulan at inaasahang makaaani na ang mga magsasaka bago pa man maramdaman nang husto ang epekto nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman Rosendo So ng SINAG, sinabi nito na positibo ang kanilang pananaw sa kasalukuyang taniman dahil nagsimula na ang tag-ulan at nakadepende rin sa dami ng mga bagyong papasok sa bansa ang magiging suplay ng tubig sa mga sakahan.
Ayon kay So, kung magpapatuloy ang pag-ulan sa mga susunod na buwan ay wala silang nakikitang malaking problema sa pagtatanim ng palay at posibleng makaani na ang mga magsasaka pagsapit ng Oktubre bago pa man lubusang maramdaman ang epekto ng El Niño.
Dagdag pa niya, naging paborable rin para sa mga magsasaka ang pag-antala ng ilan sa pagtatanim noong nakaraang mga buwan dahil mataas pa noon ang presyo ng abono at malaki ang gastusin sa patubig.
Aniya, mas mababa na ngayon ang presyo ng fertilizer sa pandaigdigang merkado at nakatutulong ang pag-ulan upang mabawasan ang gastusin sa produksyon.
Sinabi rin ni So na inaasahan nilang bababa pa ang presyo ng abono sa lokal na merkado sa mga susunod na linggo dahil mas marami nang importer ang nagdadala ng suplay matapos bumaba ang presyo nito sa international market.
Kasabay nito, nanawagan ang SINAG sa pamahalaan na tiyaking maipagkakaloob sa tamang oras ang mga ayuda para sa mga magsasaka gaya ng seed assistance, fertilizer subsidy at fuel subsidy upang makatulong sa pagpapababa ng gastos sa produksyon.
Iginiit din ni So na kinakailangang mapanatili ang makatarungang presyo ng palay upang mahikayat ang mga magsasaka na ipagpatuloy ang kanilang produksyon.
Aniya, dapat umabot sa P26 hanggang P27 kada kilo ang presyo ng tuyong palay at hindi bababa sa P23 hanggang P24 kada kilo ang presyo ng bagong aning palay upang manatiling kumikita ang mga magsasaka at masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain sa bansa.











