Agarang naapula ng mga rumespondeng otoridad ang sumiklab na sunog sa loob ng isang grocery store sa Cordon Public Market nitong madaling araw ng Hunyo 20.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Fire Inspector Jerico Miranda, Acting Municipal Fire Marshal ng Cordon Fire Station, sinabi nitong bandang alas-5:05 ng umaga nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa Philippine National Police o PNP Cordon hinggil sa insidente.
Agad namang rumesponde ang kanilang hanay dahil malapit lamang ang naturang pamilihan sa kanilang himpilan at nagsagawa ng fire suppression operation.
Ayon kay Fire Inspector Miranda, dakong alas-5:10 ng umaga ay idineklara nang fire out ang insidente kaya hindi na ito kumalat sa mga katabing establisyimento.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang grocery store lamang ang naapektuhan at naglalaman ito ng iba’t ibang grocery items kabilang ang mga butane gas na pinaniniwalaang isa sa mga naging dahilan kung bakit may mga naitalang pagsabog na nakita rin sa ilang kumalat na video.
Gayunman, sinabi ng opisyal na nakatulong ang konkretong estruktura ng gusali at ang pagiging nakakandado nito upang hindi agad lumaki ang apoy dahil limitado ang suplay ng oxygen sa loob.
Lumabas din sa paunang imbestigasyon na posibleng nagsimula ang sunog sa pagitan ng alas-4:40 hanggang alas-4:55 ng madaling araw.
Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Fire Protection sa may-ari ng establisyimento kabilang ang paghingi ng kopya ng CCTV footage upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.
Tinatayang nasa P20,000 hanggang P50,000 ang paunang structural damage habang patuloy pang tinataya ang halaga ng mga nasirang paninda.
Ayon pa kay Miranda, may mga nagtangkang magsagawa ng paunang pag-apula sa apoy subalit nasa growth stage na umano ito kaya hindi na kinaya ng fire extinguisher lamang.
Samantala, pinuri rin ng Cordon Fire Station ang mabilis na pag-uulat ng mga concerned citizens, PNP Cordon, at ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan na naging susi upang hindi na lumala pa ang insidente.
Kasabay nito, ibinahagi rin ng BFP Cordon na nasa 70 hanggang 80 porsyento na ng mga establisyimento sa bayan ang kanilang na-inspeksyon bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng fire safety campaign at community fire protection plan.










