Kasado na ang dalawang tune-up games ng Gilas Pilipinas sa pagdating nito sa Auckland, New Zealand bilang bahagi ng paghahanda para sa third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Makakasagupa ng Pinoy cagers ang Manawatu Jets at Franklin Bulls, na parehong naglalaro sa National Basketball League (NBL) ng New Zealand. Unang makakalaban ng Gilas ang Manawatu Jets sa Hunyo 28 sa Fly Palmy Arena sa Manawatu-Whanganui Region, kasunod ang Franklin Bulls sa Hunyo 30 sa Franklin Pool and Leisure Centre.
Inaasahan ng Franklin Bulls na magiging kapana-panabik ang kanilang laban kontra Gilas. Ayon kay Bulls Club Director Scott Kelso, bihira ang pagkakataong makaharap ang isang koponan tulad ng Pilipinas sa kanilang home court.
Samantala, nakatakdang umalis ang Gilas delegation sa Hunyo 23 upang maka-adapt sa malamig na klima sa Auckland.
Bahagi ng paghahanda ng national team ang dalawang tune-up games bago ang kanilang mga opisyal na laban kontra New Zealand sa Hulyo 3 sa Auckland at Australia sa Hulyo 8 sa Perth.
Bago lumipad, magsasagawa muna ang Gilas Pilipinas ng open practice sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan ngayong gabi bilang send-off event para sa mga fans.











