Mas pinalakas na lineup ang inaasahang ilalaban ng Gilas Pilipinas sa fifth window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers sa Nobyembre.
Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, pasok sa kalendaryo ng FIBA ang naturang qualifiers kaya inaasahang makapaglalaro ang mga pambansang manlalarong kasalukuyang nasa Japan B.League at Korean Basketball League.
Iba ito sa Asian Games kung saan hindi pinayagan ng kani-kanilang mother teams sa Japan at South Korea ang ilang miyembro ng Gilas pool na sumali dahil hindi saklaw ng FIBA calendar ang torneo.
Dahil dito, bumuo ang Samahang Basketbol ng Pilipinas o SBP ng lineup mula sa mga available na manlalaro ng PBA. Nabigo naman ang naturang koponan na maipagtanggol ang gintong medalya ng Pilipinas matapos magtapos sa ikasiyam na puwesto.
Sa November window, inaasahang makababalik sa Gilas ang mga manlalarong naglalaro sa Japan at South Korea. Umaasa rin ang SBP na makapaglalaro na ang naturalized player na si Bennie Boatwright.
Sa kasalukuyan, nasa ikalimang puwesto ang Gilas Pilipinas sa standings taglay ang 4-4 win-loss record. Nangunguna ang Australia sa 8-0, kasunod ang New Zealand sa 6-2, habang tabla sa 5-3 ang Iran at Jordan.











