Mas hihigpitan pa ng Schools Division Office (SDO) ng Santiago City ang seguridad at pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas sa mga paaralan bilang bahagi ng pinaigting na mga hakbang upang mapigilan ang anumang insidente na maaaring magbanta sa kaligtasan, kaayusan at kapakanan ng mga mag-aaral sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Santiago, sinabi nitong kabilang sa mga pangunahing hakbang na ipinatutupad ng dibisyon ang mahigpit na pagmomonitor sa loob at paligid ng mga paaralan sa tulong ng mga school watchman, barangay tanod, mga opisyal ng barangay at iba pang katuwang na sektor.
Ayon kay Dr. Gumaru, mas pinaigting ang pagbabantay sa pagpasok at paglabas ng mga mag-aaral at iba pang indibidwal na nagtutungo sa mga paaralan upang matiyak na nananatiling ligtas ang kapaligiran at agarang matukoy at maagapan ang anumang sitwasyon na maaaring mauwi sa mga insidenteng makaaapekto sa seguridad at kapakanan ng mga mag-aaral.
Bukod dito, nagsasagawa rin ng regular na screening ang mga paaralan at nagtalaga ng mga focal person na tututok sa mga mag-aaral na pinaghihinalaang sangkot sa mga insidente ng pambu-bully, kasabay ng pagpapaigting ng information drive at iba pang interbensyon na naglalayong mapanatili ang isang ligtas, maayos at inklusibong kapaligiran para sa pagkatuto.
Binigyang-diin ni Dr. Gumaru na sa kabila ng mga naiuulat na kaso ng pambu-bully at iba pang insidenteng kinasasangkutan ng mga mag-aaral sa ilang bahagi ng bansa, nananatiling walang naitatalang kahalintulad na insidente sa mga paaralan sa Santiago City sa unang dalawang linggo ng pagbubukas ng klase.
Tiniyak naman ng SDO Santiago na hindi nito luluwagan ang pagpapatupad ng mga umiiral na hakbang at patuloy na paiigtingin ang mga mekanismo sa pangangalaga at seguridad upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan laban sa anumang banta na maaaring makasagabal sa pagkatuto at kapakanan ng mga mag-aaral.










