Ipinaliwanag ng Provincial Public Safety Office ng Isabela ang mga panuntunang ipinatutupad sa mga biyaherong gagamit ng Ilagan-Divilacan Road kasunod ng pagpapatupad ng Executive Order No. 22, Series of 2026 na nagtatakda ng travel pass requirement at limitadong biyahe habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon ng kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kim Patrick Agbayani, Public Safety Officer ng Isabela, na pangunahing konsiderasyon ng pamahalaang panlalawigan ang kaligtasan ng mga motorista habang isinasagawa ang mga road improvement project sa naturang ruta.
Ayon kay Agbayani, pinapayagan lamang sa kasalukuyan ang mga residente ng mga bayan ng Divilacan, Maconacon at Palanan, gayundin ang mga indibidwal na nagtatrabaho sa mga nabanggit na lugar, na makabiyahe sa Ilagan-Divilacan Road.
Aniya, kinakailangang kumuha ng travel pass mula sa Public Safety Office ang mga biyaherong magmumula sa mainland Isabela at papasok sa mga coastal municipalities gamit ang naturang kalsada.
Gayunman, hindi na kinakailangang kumuha ng travel pass ang mga residente ng Divilacan, Maconacon at Palanan basta’t maipapakita nila sa checkpoint sa Barangay Dicambangan, Divilacan ang kanilang pagkakakilanlan bilang residente, valid driver’s license at mga dokumento ng sasakyang kanilang gagamitin.
Mahigpit ding ipinatutupad ang regulasyon sa uri ng sasakyang maaaring bumiyahe sa ruta. Tanging mga four-wheel drive o 4×4 vehicles at mga motorsiklong may mataas na ground clearance lamang ang pinapayagang dumaan habang ipinagbabawal naman ang mga scooter at iba pang mabababang motorsiklo upang hindi masira ang kasalukuyang inaayos na kalsada.
Ayon pa kay Agbayani, naipaabot na sa mga residente ng coastal towns ang mga bagong alituntunin sa pamamagitan ng kanilang mga lokal na opisyal at iba pang kinauukulang ahensya upang maiwasan ang kalituhan sa pagkuha ng travel pass at pagsunod sa travel schedule.
Sa ilalim ng umiiral na patakaran, pinapayagan ang biyahe mula Divilacan patungong Ilagan tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga, habang mula naman Ilagan patungong Divilacan ay mula alas-11 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon sa mga naturang araw.
Ipinaliwanag niya na ipinatutupad ang iskedyul upang hindi maantala ang road widening at iba pang construction activities, partikular sa bahagi ng kalsadang kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitasyon.
Samantala, exempted sa travel schedule at travel pass requirement ang mga emergency cases at mga sasakyang ginagamit sa opisyal na transaksyon ng pamahalaan basta’t may kaukulang dokumentong magpapatunay ng kanilang biyahe.
Dagdag pa ng opisyal, wala namang namomonitor sa kasalukuyan na landslide sa kahabaan ng Ilagan-Divilacan Road, subalit patuloy ang kanilang pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at manggagawang nasa lugar habang nagpapatuloy ang mga proyekto sa kalsada.











