Nanawagan ang isang anti-mining group sa mga opisyal ng Nueva Vizcaya na manindigan sa usapin ng mining exploration sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Florentino Daynos, leader ng Anti-Mining Group, sinabi niya na dapat unahin ng mga opisyal ang kapakanan ng mga komunidad, watershed, at kalikasan na posibleng maapektuhan ng mga aktibidad ng pagmimina. Aniya, mahalagang manindigan ang mga lider lalo na kung nakataya ang kabuhayan ng mga residente at ang pangangalaga sa kapaligiran.
Kasabay nito, nagpahayag din siya ng pagkabahala sa umano’y pag-igting ng tensyon sa pagitan ng mga komunidad, environmental advocates, at ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC) matapos umanong magtungo sa lugar ang dalawang truck ng mga sundalo upang magbigay ng seguridad sa kompanya.
Iginiit ni Daynos na mas nararapat na mabigyan ng proteksiyon ang mga mamamayan at mga katutubong komunidad na maaaring maapektuhan ng planong pagmimina kaysa sa kompanyang inaakusahan nilang nagdudulot ng pagkakawatak-watak sa komunidad at pinsala sa kalikasan.
Samantala, ikinatuwa rin ni Daynos ang naging desisyon ng korte na ibasura ang kasong isinampa laban kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao at iba pang environmental advocates na tumututol sa exploration activities ng NLMRC sa bayan ng Kasibu.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Bishop Mangalinao, Fr. Christian Dumangeng, dating Social Action Director ng Diocese of Bayombong, si Daynos, at anim pang iba dahil sa umano’y pagpapanatili ng isang barikada sa loob ng Bugkalot/Ilongot ancestral domain bilang bahagi ng kanilang pagtutol sa exploration activities ng kompanya.
Ayon kay Daynos, ang naging desisyon ng korte ay isang tagumpay para sa katotohanan, katarungan, at sa mga komunidad na patuloy na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at mga watershed. Idinagdag pa niya na nabigo ang nagsampa ng kaso na magpakita ng sapat na legal na batayan para sa reklamo, habang idineklara rin ng hukuman na wala itong wastong hurisdiksyon sa naturang usapin.
Sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Daynos na mananatiling nakatuon ang kanilang grupo sa mapayapang pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa mga komunidad na apektado ng mga proyekto sa pagmimina.











