--Ads--

Tinatayang mahigit isang milyong isda na nagkakahalaga ng mahigit P10 milyon hanggang P15 milyon ang namatay sa bahagi ng Magat Watershed sa Barangay Halag, Aguinaldo, Ifugao dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig at pagkatuyo ng ilang bahagi ng ilog.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Angelo Concepcion, isa sa mga nag-aalaga ng isda sa lugar, sinabi niyang dulot ng pagdami ng putik na naiipon sa watershed ang patuloy na pagliit at pagbagal ng daloy ng tubig, na naging sanhi ng fish kill sa kanilang komunidad.

Ayon sa kanya, mahigit 100 fish cage operators sa Barangay Halag ang apektado ng insidente, kung saan tinatayang umaabot sa P100,000 ang nalulugi sa bawat operator. Bagama’t may ilan pang natitirang isda na maaaring ibenta, bumagsak na umano ang presyo nito sa P30 hanggang P50 kada kilo mula sa dating nasa P100 kada kilo.

Sinabi rin ni Concepcion na unti-unti nang natutuyo ang ilang bahagi ng ilog sa Halag 3 kaya napilitan ang ilang may-ari ng floating houses at fish cages na ilipat ang mga ito sa ibang lugar. Gayunman, nagsisimula na rin umanong bumaba ang lebel ng tubig sa mga lugar na kanilang nilipatan.

--Ads--

Aniya, may mga fish cage na hindi na mailipat dahil halos wala nang tubig sa paligid nito at tila nakulong na sa mababaw na bahagi ng watershed. Kung magpapatuloy umano ang kakulangan ng ulan, posible pang lumala ang sitwasyon at tuluyang matuyo ang ilang bahagi ng ilog.

Bagama’t nakaranas na rin ng kahalintulad na fish kill noong 2023, sinabi ni Concepcion na mas malawak at mas maraming mangingisda ang naapektuhan sa kasalukuyang insidente.

Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan at mga opisyal ng agarang ayuda upang matulungan ang mga naapektuhang fish cage operators na makabangon mula sa kanilang pagkalugi.