--Ads--

Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng pantay na dignidad, respeto, at oportunidad para sa lahat ng Pilipino ngayong pagdiriwang ng Pride Month.

Sa kanyang video message para sa Pride Festival sa Isabela, sinabi ni Dy na mahalagang kilalanin at igalang ang karapatan ng bawat isa na mamuhay nang malaya at walang diskriminasyon anuman ang kanilang pagkakakilanlan.

Ayon sa lider ng Kamara, ang tunay na pagkakapantay-pantay ay nagsisimula sa pag-unawa, pagtanggap, at pagkilala sa pagkatao ng bawat isa.

Binigyang-diin niya na walang sinuman ang dapat makaranas ng pangmamaliit o diskriminasyon dahil ang paggalang sa dignidad ng tao ay karapatan ng lahat at hindi pribilehiyo ng iilan lamang.

--Ads--

Iginiit din ni Dy na mas nagiging matatag, makatao, at nagkakaisa ang mga komunidad kapag ang bawat isa ay malayang naipapakita ang kanilang tunay na sarili at naibabahagi ang kanilang kakayahan nang walang takot sa panghuhusga.

Hinimok naman niya ang LGBTQIA+ community at ang lahat ng Pilipino na makiisa sa pagtataguyod ng isang lipunang inklusibo, makatarungan, at may pantay na oportunidad para sa lahat.