Patuloy ang panawagan ng Makabayan bloc sa pagpapanagot sa mga opisyal ng Gobyerno na sangkot sa korapsyon matapos ang isinagawang White Ribbon Rally sa bahagi ng EDSA kahapon sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at ilang mga cause-oriented groups.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Former Act-Teachers Partylist Rep. France Castro, sinabi niya na halos isang taon na simula nang malantad ang korapsyon sa flood control project subalit hanggang ngayon ay iilan pa lamang ang nakakulong.
Nilinaw naman niya na ang naturang pagkilos ay hindi lamang nakatuon sa usapin ng flood cotrol scandal subalit sa lahat ng uri ng pagnanakaw sa kaban ng bayan na ginagawa ng ilang mga nakaupo sa pwesto.
Kung matatandaan, nadadawit din ang pangalan ni Castro at ng ilang miyembro ng Makabayan bloc na nakatanggap umano ng pera mula sa flood control kickbacks batay na rin sa binitawang pahayag ng 18 indibiwal na nagpakilalang dating bodyguards ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Iginiit nito na walang konkretong ebidensiya na magpapatunay sa naturang alegasyon kaya naman dapat umano itong maimbestigahan ng tamang komite upang malaman ang katotohanan lalo na at hindi umano consistent ang payahag ng 18 bodyguards.
Samantala, magkakaroon ng panibagong pagkilos sa ika-6 ng Hulyo sa Senado kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Umaasa naman si Castro na dadalo na sa pagdinig sa Senado ang Pangalawang Pangulo upang harapin at maipaliwanag ang mga akusasyon laban sa kaniya.











