Umabot na sa 22.2 million pesos ang halaga ng pinsala na naitala sa malawakang fishkill sa Magat Dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Fisheries Officer Gerico Gibe ng Isabela, sinabi nito na sa kabuuang 178 active fish cage operators sa Magat watershed ay 266 units pa lamang mula sa 62 operators ang nava-validate.
Batay sa pinakahuling inventory, nasa 229,000 metric tons na ang namatay na isda at posible pa itong madagdagan sa pagpapatuloy ng validation.
Ayon kay Gibe, maliban sa pagbaba ng dissolve oxygen sa Magat Watershed ay tumaas din ang amonia ng tubig na sanhi ng decomposition ng mga isda namatay na nagsilbing lason sa iba pang mga tilapia.
Dahil nagmumula sa Magat watershed ang isinusuplay na isda sa Lambak ng Cagayan at mga karatig na lugar ay tiyak na magkakaroon aniya ng malawakang epekto ang nangyaring fishkill hindi lamang sa kabuhayan ng mga fishcage operators kundi maging na rin sa ekonomiya.
Upang mapakinabangan pa ang mga natitirang isda ay ibinagsak na sa halagang 65 hanggang 95 pesos ang presyo ng tilapia na nagmumula sa Magat. Gayunman, asahan na sa mga susunod na pagkakataon ay magkakaroon ng pagtaas sa presyo dahil na rin sa kakulangan ng produksyon.
Sa ngayon ay nilalakad na ng Bureau of Fisheris and Aquatic Resource (BFAR) Isabela ang tulong na maipagkakaloob sa mga apektadong mangingisda.











