Arestado ang mag-inang babae matapos umanong masangkot sa modus na robbery-slashing o paglalaslas o paghihiwa ng bag bago nakawan sa loob ng isang shopping center sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela ngayong Hulyo 1.
Ayon sa mga awtoridad, itinago ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jen,” 44-anyos, at alyas “Zen,” 80-anyos, kapwa residente ng San Jose City, Nueva Ecija.
Batay sa imbestigasyon, napansin ng isang security marshal na si alyas “Rom” ng establisyemento ang kahina-hinalang kilos ng dalawang suspek habang nasa loob ng gusali kaya minabuti niyang bantayan ang kanilang galaw.
Makalipas ang ilang sandali, umano’y nasaksihan ng security marshal ang isa sa mga suspek na hinihiwa ang bag ng isang babae na itinago sa alyas na “Letty”. Agad niya itong kinompronta ngunit nagtangkang tumakas ang suspek kaya isinailalim ito sa citizen’s arrest.
Nang inspeksyunin ng mga biktima ang kanilang mga gamit, napag-alamang napinsala ang bag ni “Letty” habang nawawala naman ang pitaka ng isa pang biktima na si alyas “Arcy” na may lamang pera na nagkakahalaga ng P1,100.
Agad namang nakipag-ugnayan ang security marshal sa mga nakatalagang pulis sa lugar na siyang nagsagawa ng karagdagang imbestigasyon.
Sa operasyon, nakumpiska mula sa isa sa mga suspek ang apat na stainless steel blades habang nabawi naman ang perang pinaniniwalaang kinuha mula sa biktima. Narekober din ng mga awtoridad ang itinapong pitaka sa loob ng establisyemento.
Sa patuloy na imbestigasyon, lumabas na posibleng sangkot din ang mga suspek sa iba pang insidente ng pagnanakaw sa iba’t ibang lugar.
Samantala, inihahanda na ng Cauayan Component City Police Station ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa dalawang suspek.











