Inihayag ni Department of Education Secretary Sonny Angara na hindi lahat ng estudyante sa Pilipinas ay may kakayahang mag-online classes.
Sinabi ito ng kalihim sa isang ambush interview nang tanungin kung pwedeng mag-online na lang ang mga bata para sa kanilang kaligtasan dahil sa pangamba ng ilang magulang. Ayon sa kaniya, bagamat may ilang paaralan na nagpapatupad nito, marami pa ring mag-aaral ang walang sapat na access dahil problema pa rin ang koneksyon sa internet at kakulangan sa gadgets ng maraming pamilyang Pilipino. Binigyang-diin niya na hindi pa ganoon katatag ang imprastraktura ng internet sa bansa at hindi rin ito pasok sa badyet ng ibang mga magulang.
Dahil dito, mas nakatutok ngayon ang DepEd sa pagpapatibay ng seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan. Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagdaragdag ng mga pulis at security guard, paglalagay ng metal detector at CCTV camera, at iba pang mga protocol upang matiyak na ligtas ang mga estudyante sa kanilang pisikal na pagpasok.
Nag-ugat ang pangambang ito ng mga magulang matapos ang isang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na nagdulot ng pagkamatay ng tatlong mag-aaral at pagkakasugat ng dalawampu pa.











