Umaasa ang isang grupo ng public transport na maisasama ang kanilang mga panawagan sa isinusulong na amyenda sa Oil Deregulation Law.
Tinalakay ng Senate energy committee na pinamumunuan ng bagong chair na si Senator Erwin Tulfo ang mga panukalang layong bigyan ang pamahalaan ng mas malawak na kontrol sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC), iginiit nito na nananatiling pabago-bago at walang katiyakan ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kaya’t mahalaga ang mas mahigpit na regulasyon upang maiwasan ang labis na kita ng ilang malalaking kumpanya.
Ayon sa kanya, lipas na o outdated na ang Oil Deregulation Law at hindi na ito angkop sa kasalukuyang kalagayan ng merkado kaya’t kailangan na itong amyendahan.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng mga pagbabago sa batas, magkakaroon ng mas malinaw na papel ang pamahalaan sa pag-stabilize ng presyo ng petrolyo na direktang makikinabang ang mga tsuper at komyuter.
Aniya, maiiwasan na rin ang posibleng kaguluhan tuwing biglang tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, dahil magkakaroon ng mas matatag na suporta para sa sektor ng transportasyon at maaaring mabawasan ang pag-asa sa ayuda ng gobyerno, na magbibigay-daan upang mailaan ang pondo sa iba pang pangunahing pangangailangan ng bansa.











