--Ads--

Hindi pa pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa agarang pagbaba ng age of criminal liability sa bansa sa gitna ng mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang mga kaso ng pamamaril at pananaksak.

Ayon sa pangulo, kinakailangan munang magsagawa ng masusing pag-aaral bago gumawa ng anumang pagbabago sa batas. Aniya, mahalagang isaalang-alang ang kalusugang pangkaisipan ng mga kabataan gayundin ang mga rekomendasyon ng mga eksperto hinggil sa usapin.

Binanggit din ni Marcos na malaki na ang ipinagbago ng panahon at mas malawak na ngayon ang impluwensya ng social media at iba’t ibang online content sa mga kabataan. Gayunman, sinabi niyang hindi pa sapat ang mga ito upang agad na maging batayan sa pagbabago ng kasalukuyang polisiya.

Samantala, nagpahayag ang pangulo ng kahandaan ng pamahalaan na ipagbawal ang mga mararahas na online games kung mapatutunayang may direktang kaugnayan ang mga ito sa pagtaas ng mararahas na pag-uugali sa mga kabataan.

--Ads--

Muling nabuhay ang panawagang ibaba ang age of criminal liability matapos ang naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan dalawang menor de edad na estudyante ang nasangkot.