--Ads--

Naglabas ng subpoena ang Senate Impeachment Court laban sa dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) upang humarap bilang mga testigo sa unang linggo ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

Pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng prosekusyon na patawagin sina Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at John Mark Calilung, senior agent ng NBI Cyber Investigation and Assessment Center. Inatasan din silang magsumite ng mga dokumento, rekord at iba pang ebidensiya na may kaugnayan sa kaso sa pamamagitan ng subpoena duces tecum.

Nagpasumite rin ang House prosecution panel ng panibagong kahilingan para sa subpoena duces tecum laban sa ilang bangko at sa Anti-Money Laundering Council upang makuha ang mga rekord na may kaugnayan sa mga account nina Duterte at Carpio.

Matatandaan na kahapon Pormal nang binuksan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado kung saan inilatag ng magkabilang panig ang kanilang mga pambungad na argumento hinggil sa mga reklamong kinahaharap ng pangalawang pangulo.

--Ads--

Sa pambungad na pahayag ng prosekusyon, sinabi ni Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro na ang apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte ay sumasalamin umano sa iisang kuwento ng paglabag sa tiwala ng publiko.

Ayon kay Luistro, maghahain sila ng mga dokumento, ulat ng pamahalaan, financial records, video recordings, at iba pang ebidensyang magpapatunay sa umano’y maling paggamit ng mahigit P612 milyong confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at mga banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.