Humiling ang House prosecution panel sa Senate impeachment court na ipatawag bilang mga testigo si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez at Melvin Matibag kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa mosyong inihain nitong Martes, hiniling ng prosekusyon na maglabas ang impeachment court ng subpoena ad testificandum upang obligahin sina Lopez at Matibag na humarap at tumestigo sa pagdinig mula Hulyo 13 hanggang 15, 2026.
Ayon sa prosekusyon, mahalaga at kinakailangan ang testimonya ng dalawang opisyal upang mapatunayan ang mga alegasyong nakapaloob sa Article IV ng Articles of Impeachment laban kay Duterte.
Ang Article IV ay tumutukoy sa umano’y grave threats at assassination plot laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Naging sentro ng usapin ang mga pahayag ni Duterte sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 habang nakadetine si Lopez sa Kamara matapos itong ma-contempt kaugnay ng imbestigasyon sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President.
Matapos ang naturang pahayag ng Bise Presidente, humiling ang National Bureau of Investigation sa Meta na mapreserba ang video ng kanyang online media briefing bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Samantala, iginiit naman ng kampo ni Duterte na bahagi lamang ng kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag ang naturang mga pahayag.
Pormal na nagsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6. Sa ilalim ng inaprubahang 92-araw na iskedyul ng paglilitis, inilaan ang 62 araw para sa presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon at 30 araw para sa depensa.











