Nilinaw ng Isabela Electric Cooperative I (ISELCO I) na teknikal na problema sa kanilang kagamitan ang dahilan ng pansamantalang hindi pamamahagi ng printed electric bills sa ilang member-consumer sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Laarni San Antonio, Branch Supervisor ng ISELCO I-Cauayan City Branch, sinabi nitong nasira ang printer na ginagamit sa pag-imprenta ng mga billing statement kaya naapektuhan ang distribusyon ng printed electric bills sa ilang lugar.
Gayunman, tiniyak ni San Antonio na hindi maaapektuhan ang pagbabayad ng mga consumer dahil maaari pa rin nilang malaman ang eksaktong halaga ng kanilang bayarin sa pamamagitan ng personal na pagtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng ISELCO I o sa iba pang available na customer service channels ng kooperatiba.
Ayon pa sa opisyal, agad na nilang tinutugunan ang problema upang maibalik sa normal ang pag-imprenta at pamamahagi ng mga billing statement at maiwasan ang anumang kalituhan sa kanilang mga member-consumer.
Sinabi rin niyang target ng kooperatiba na maibalik sa normal ang distribusyon ng printed electric bills sa mga susunod na meter reading at billing cycle sa oras na maayos ang kanilang ginagamit na kagamitan.
Humingi naman ng pang-unawa ang ISELCO I sa kanilang mga member-consumer habang inaayos ang naturang teknikal na problema at tiniyak na patuloy silang magsasagawa ng mga hakbang upang mapanatili ang maayos at tuloy-tuloy na serbisyo sa kanilang nasasakupan.










