--Ads--

Arestado ang isang Chinese businesswoman sa isinagawang magkasanib na operasyon laban sa bentahan ng mga hindi rehistradong consumer products sa Barangay District 1, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinagawa ang operasyon noong Hulyo 1 sa pakikipagtulungan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela Provincial Field Unit at ng Food and Drug Administration (FDA).

Ang suspek ay umano’y may-ari ng establisimyentong pinagsasalhan ng mga produktong ibinebenta.

Sa imbestigasyon, nahuli umano ang suspek na nagbebenta ng aerosol insecticides at iba pang consumer products na walang kaukulang Certificate of Product Registration mula sa FDA.

--Ads--

Nakumpiska ng mga awtoridad ang 937 piraso ng iba’t ibang aerosol insecticides, mosquito coils at iba pang consumer products na may kabuuang halagang P100,972.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga hindi rehistradong produkto ay hindi dumaraan sa mga pagsusuri ng pamahalaan na nagtitiyak sa kaligtasan, kalidad at pagiging epektibo ng mga ito para sa publiko.

Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.