Igiinit ng Schools Division Office (SDO) ng Cauayan na hindi awtomatikong ipinagpapaliban o isinususpinde ang klase sa tuwing nagkakaroon ng brownout, dahil mayroon pa ring mga alternatibong paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga mag-aaral.
Sa Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Schools Division Superintendent Chelo Tangan, maaaring makaapekto ang pagkawala ng suplay ng kuryente sa online distance learning, lalo na sa paggamit ng mga kagamitang nangangailangan ng elektrisidad at internet access. Gayunman, hindi umano ito agad na nagiging batayan upang ihinto ang klase.
Ipinaliwanag ni Tangan na nananatiling mahalagang alternatibo ang modular learning sa mga pagkakataong hindi maisagawa nang maayos ang online learning dahil sa limitadong access sa kuryente o iba pang teknikal na hamon.
Aniya, hindi naman sapilitan para sa mga mag-aaral ang pagkakaroon ng karagdagang power source gaya ng power bank o generator, dahil mayroon
nang nakahandang learning materials na maaaring gamitin sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral.
Sinabi rin ng opisyal na ang mga module ay naihanda at naipamahagi na bago pa man ang suspensyon ng klase, kaya mayroon nang nakalaan na materyales na maaaring magsilbing gabay ng mga mag-aaral sa kanilang mga aralin.
Binigyang-diin ng SDO Cauayan na mahalaga ang pagkakaroon ng iba’t ibang learning modality upang matugunan ang magkakaibang sitwasyon ng mga mag-aaral, lalo na sa mga panahong naaapektuhan ang paggamit ng teknolohiya at iba pang pasilidad.
Sa halip na umasa lamang sa online learning, maaaring gamitin ang modular approach bilang bahagi ng mga hakbang upang mapanatili ang tuloy-tuloy na paghahatid ng edukasyon sa kabila ng mga hamong dulot ng brownout.










