Umabot na sa 17 katao ang nasawi habang patuloy ang search and rescue operations sa ilang bahagi ng China matapos magdulot ng matinding pagbaha, pag-apaw ng mga ilog, at pagguho ng isang dam ang malalakas na pag-ulan at bagyo.
Sa rehiyon ng Guangxi, anim ang namatay at mahigit 130,000 residente ang inilikas matapos ang matinding pagbaha na dulot ng Bagyong Maysak. Ayon sa mga awtoridad, mahigit 40 ilog at daluyan ng tubig ang umapaw at libu-libong ektarya ng sakahan ang nasira.
Samantala, 11 naman ang nasawi at 331 ang nasugatan sa Hubei province dahil sa malalakas na thunderstorm, malakas na hangin, at mga naiulat na buhawi. May isa ring nawawala habang libu-libong bahay ang napinsala.
Nagpadala na ang pamahalaan ng karagdagang relief supplies at rescue equipment sa mga apektadong lugar habang nagbabala ang mga opisyal na magpapatuloy pa ang malalakas na pag-ulan sa mga susunod na araw.
Inatasan din ni Pangulong Xi Jinping ang mga rescuer na paigtingin ang mga operasyong pang-emergency upang maiwasan ang mas maraming pinsala at pagkasawi.










