Ipinahayag ni US President Donald Trump na nakakuha siya ng “perpektong resulta” sa isinagawang pisikal na pagsusuri at cognitive test sa Walter Reed National Military Medical Center.
Sa isang post sa social media, sinabi ni Trump na muli siyang sumailalim sa cognitive test at nakuha niya umano nang tama ang lahat ng tanong. Ayon sa White House, tinutukoy ng pangulo ang medical examination na isinagawa noong Mayo kung saan idineklarang nasa mahusay siyang kalusugan.
Binanggit ni Trump ang resulta ng kanyang pagsusuri kasabay ng kanyang pagbatikos sa mga mamamahayag na sina Maggie Haberman at Jonathan Swan ng The New York Times, na may-akda ng librong tumatalakay sa kanyang pagbabalik sa kapangyarihan at sa mga umano’y pangamba ng ilang White House aides hinggil sa kanyang edad at pisikal na kondisyon.
Si Trump, na nagdiwang ng kanyang ika-80 kaarawan noong Hunyo, ang pinakamatandang nagsilbing pangulo ng Estados Unidos. Patuloy namang nagiging usapin sa Washington ang kalusugan at kakayahang mental ng matatandang lider, lalo na matapos ang mga naging isyu noon kaugnay sa kalagayan ni dating Pangulong Joe Biden.











