--Ads--

Patay ang tatlong miyembro ng isang pamilya matapos makuryente sa kanilang paliguan sa Brgy. San Luis, Solano, Nueva Vizcaya noong Linggo, Hulyo 12.

Kabilang sa mga nasawi ang isang 36-anyos na barangay tanod, ang kanyang asawa, at kanilang anak na lalaki na nasa Grade 5.

Ayon sa kapatid ng lalaking biktima na si Alfredo Costales Jr., natagpuan ng kanilang ama ang mag-anak na wala nang buhay at magkakalapit sa likod ng kanilang bahay.

Batay sa paunang impormasyon, posibleng nagsasampay ng damit ang barangay tanod matapos maligo nang aksidente niyang mahawakan o madikitan ang alambre na konektado sa yero na sumayad sa isang nakalantad na kawad ng kuryente. Pinaniniwalaang sinubukan siyang saklolohan ng kanyang asawa at anak ngunit kapwa rin nakuryente.

--Ads--

Dahil sa lakas ng boltahe, nagtamo ng matinding pinsala ang mga biktima at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Nakaligtas naman ang tatlong taong gulang na anak ng mag-asawa na naiwan sa loob ng bahay at hindi nakapunta sa lugar ng insidente.

Labis ang pagdadalamhati ng mga residente at ng pamunuan ng Barangay San Luis sa pangunguna ni Punong Barangay Ernesto Ramones. Ayon sa kanya, halos dalawang dekada nang nagsilbi bilang barangay tanod ang lalaking biktima.

Sa ngayon, nagsasagawa ng pangangalap ng tulong ang barangay para sa pagpapalibing sa mag-anak at para sa kanilang naiwang anak. Para sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima.