--Ads--

Arestado ang isang 78-anyos na lolo matapos umanong managa ng isang 35-anyos na person with disability (PWD) sa isang boarding house sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Dado”, habang ang biktima ay isang graphic artist na kasalukuyang nanunuluyan sa naturang boarding house.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, nagsimula ang insidente matapos pagsabihan ng suspek ang biktima dahil sa paglipat umano nito ng dalawang batya na nakalagay malapit sa jetmatic water pump.

Ayon sa salaysay ng biktima, hindi ito ang unang pagkakataon na sinita umano siya ng suspek tungkol sa paggamit ng water pump.

--Ads--

Habang umiinit ang kanilang pagtatalo, tinangka umanong kunin ng biktima ang isang maliit na bangko. Dahil dito, hinamon umano siya ng suspek ng away bago pumasok sa kanyang bahay at paglabas ay may dala nang itak. Bilang depensa, dumampot naman ang biktima ng isang pirasong kahoy na may sukat na 2×2 upang ipagtanggol ang sarili.

Nauwi ang komprontasyon sa pisikal na pananagupa hanggang sa pareho silang matumba. Ayon sa biktima, naagaw niya ang itak at nakiusap pa sa suspek na itigil na ang kanilang alitan.

Subalit sa halip na matapos ang komprontasyon, hiniling umano ng suspek na isauli ang itak. Matapos itong ibigay ng biktima at habang tinatangka na niyang umalis upang makaiwas sa gulo, muli umano siyang hinabol ng suspek at walang habas na tinaga sa ulo.

Sa kabila ng tinamong sugat, nagawa pang magtungo ng biktima sa Cauayan District Hospital upang magpagamot bago humingi ng tulong sa kanyang mga kapatid, na siyang nagsumbong sa pulisya.

Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad na nauwi sa boluntaryong pagsuko ng suspek. Isinuko rin nito ang itak na pinaniniwalaang ginamit sa pananaga.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang inihahanda ang kasong frustrated homicide laban sa suspek.