--Ads--

Nakapagtala ng Guinness World Record ang isang 69-anyos na lalaki sa New York matapos mag-donate ng nakamamanghang 30 galon (113.5 litro) ng dugo o katumbas ng 344 na lata ng Coca-Cola.

Dahil sa kanyang walang-patid na pagtulong, pormal na iginawad kay Dan Ryan ang titulo na “most whole blood donated (male)” sa Malta, New York.

Nagsimulang mag-donate si Dan noong 1980 dahil sa panghihikayat ng kanyang yumaong kapatid. Dahil takot sa karayom, noong una ay tumanggi siya, ngunit napapayag din nang asarin siyang “duwag” ng kapatid.

Mula noon, naging regular na donor na si Dan. Sa nakalipas na 46 na taon, minsan lamang siyang napilitang huminto sa loob ng tatlong taon dahil kinailangan niyang magpagamot para sa sakit na malaria. Dahil sa kanyang dedikasyon, nakatanggap na siya ng 32 milestone pins mula sa American Red Cross, na ginawan pa niya ng espesyal na frame na gawa sa kahoy. May espasyo ang frame para sa 40 pin dahil plano niyang ipagpatuloy ang pagdo-donate hanggang kaya niya. Kung magtutuluy-tuloy, aabot siya sa 40 galon bago sumapit ang kanyang ika-80 kaarawan.

--Ads--

Ayon kay Dan, inaalay niya ang karangalang ito sa kanyang kapatid dahil hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa kanya. Tinalo niya ang dating rekord na 241 donations na naitala ni Paritosh Bagai ng India noong 2024. Labis din niyang ikinatuwa na naging inspirasyon siya sa kanyang 20-anyos na apo na ngayon ay nais na ring maging isang blood donor.