Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang paglilipat kay Senador Rodante Marcoleta sa New Quezon City Jail matapos matukoy na maaari na siyang bumiyahe at manatili sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay Associate Justice Karl Miranda nitong Miyerkoles, idineklarang fit to travel ang senador matapos makarekober mula sa mild pneumonia at makontrol ang kanyang mataas na presyon ng dugo, batay sa resulta ng pagsusuri ng UP-Philippine General Hospital (UP-PGH).
Dahil dito, pinahintulutan ng Sandiganbayan ang kanyang paglipat mula sa Philippine National Police (PNP) General Hospital patungo sa New Quezon City Jail.
Gayunman, inirekomenda ni UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi na pansamantalang ilagay sa hiwalay na lugar si Marcoleta habang patuloy na minomonitor ang kanyang kondisyon, lalo na dahil sa kanyang edad.
Samantala, magsasagawa rin ng inspeksyon ang Sandiganbayan sa New Quezon City Jail matapos igiit ng kampo ng senador na maaaring makaapekto sa kanyang kalusugan ang kondisyon ng pasilidad.
Naaresto si Marcoleta noong Hulyo 6 kaugnay ng kinakaharap nitong kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong campaign donation sa kanyang financial at campaign disclosures.











