Patuloy ang pag-ani ng tagumpay ng P-pop girl group na BINI matapos nitong masungkit ang apat na parangal sa Jupiter Music Awards 2026.
Kabilang sa mga napanalunan ng tinaguriang “Nation’s Girl Group” ang Female Group of the Year at Most Influential Southeast Asian Artiste – Female, na nagpapatunay sa patuloy nitong impluwensya sa industriya ng musika sa Pilipinas at maging sa international scene.
Nasungkit din ng grupo ang Album of the Year para sa kanilang extended play (EP) na “Signals,” na inilabas noong Abril, habang itinanghal namang Song of the Year ang kanilang hit song na “Blush,” na kabilang sa naturang album.
Ikinatuwa ng kanilang mga tagahanga ang panibagong pagkilala sa grupo na patuloy na nagpapakita ng husay at lumalawak na popularidad sa loob at labas ng bansa.
Samantala, matagumpay na natapos kamakailan ng BINI ang Cebu leg ng kanilang “Signals” concert tour at kasalukuyan nang naghahanda para sa pagsisimula ng North American leg ng kanilang tour sa darating na Agosto.







