--Ads--

Bilang tugon sa mga insidenteng nagaganap sa mga pangunahing lansangan at upang higit na mapalakas ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, plano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na maglagay ng mga karagdagang closed-circuit television (CCTV) cameras sa mga pangunahing entrance at exit points ng lalawigan.

Ayon kay Gov. Rodolfo “Rodito” Albano III, layunin ng hakbang na mas mapabilis ang pagmomonitor sa pagpasok at paglabas ng mga sasakyan at mga indibidwal, gayundin ang pagtulong sa mga law enforcement agencies sa agarang pagtukoy at pagsubaybay sa mga sangkot sa anumang krimen o iligal na aktibidad.

Bukod dito, sinabi ng gobernador na lalagyan din ng mga CCTV cameras at solar-powered lights ang mga tulay sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan upang magkaroon ng mas malinaw na surveillance at sapat na ilaw sa mga lugar na madalas daanan ng mga motorista, lalo na sa gabi.

Aniya, makatutulong ang mga naturang proyekto hindi lamang sa pagpigil sa krimen kundi maging sa pagpapalakas ng disaster response at emergency operations, dahil mas magiging madali para sa mga awtoridad na masubaybayan ang sitwasyon sa mga kritikal na imprastraktura sa buong lalawigan.

--Ads--