Naglunsad ng panawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Echague para sa agarang paglutas sa kaso ng pagpaslang kay Barangay Kagawad Lito Publico ng Barangay Malibago sa pamamagitan ng pag-aalok ng ₱50,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.
Ayon sa LGU Echague, ang pabuya ay para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon, kabilang ang pagkakakilanlan ng mga indibidwal na nakuhanan ng CCTV footage na kasalukuyang sinusuri ng mga awtoridad bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente.
Nananawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang matukoy ang mga taong posibleng may kaugnayan sa kaso at makatulong sa paglabas ng buong katotohanan.
Tiniyak naman ng LGU na mahigpit na pananatilihing kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga magbibigay ng impormasyon.
Maaaring makipag-ugnayan ang sinumang may impormasyon sa mga numerong 0917-681-6913 at 0998-598-5264.
Samantala, nilinaw ng lokal na pamahalaan na ang inilabas na larawan mula sa CCTV footage ay bahagi lamang ng proseso ng imbestigasyon at hindi nangangahulugan ng direktang pag-akusa o paghatol sa mga indibidwal na nakuhanan ng CCTV. Anila, layunin lamang ng hakbang na ito na makatulong sa pagkalap ng impormasyon upang mabigyan ng hustisya si Kagawad Lito Publico.











