Nagpalabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) Region 2 laban sa mga driver at may-ari ng mga pampasaherong jeep na umano’y nasangkot sa insidente ng karera sa kahabaan ng National Highway sa San Manuel, Naguilian, Isabela noong Hulyo 16, 2026.
Sa viral na video na kumalat sa social media, makikitang tila nag-uunahan ang dalawang pampasaherong jeep habang bumibiyahe at may sakay na mga pasahero. Kapansin-pansin din na may ilang estudyanteng nakasakay sa bubong ng mga sasakyan, na nagdulot ng seryosong panganib sa kanilang kaligtasan at sa iba pang motorista sa kalsada.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng aksyon ang LTO Region 2 sa pamamagitan ng pagpapatawag sa mga sangkot upang magpaliwanag sa insidente. Kasabay nito, pansamantalang sinuspinde ang rehistro ng mga nasabing sasakyan at ang mga lisensya ng kanilang mga driver habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon sa ahensya, layunin ng hakbang na matukoy ang buong detalye ng pangyayari at masuri ang mga posibleng paglabag sa mga umiiral na batas at regulasyon sa transportasyon. Makikipag-ugnayan din ang LTO sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng posibleng aksyon sa mga prangkisa ng mga sangkot na sasakyan.
Muling pinaalalahanan ng LTO Region 2 ang mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan na gawing pangunahing konsiderasyon ang kaligtasan ng mga pasahero at mahigpit na sumunod sa mga batas-trapiko. Binigyang-diin ng ahensya na hindi nito palalampasin ang anumang uri ng iresponsableng pagmamaneho na maaaring magbanta sa buhay at seguridad ng publiko.
Samantala, hindi miyembro ng San Mariano Transport Service Cooperative ang dalawang tsuper ng jeep na nasangkot sa umano’y karera sa kalsada sa Naguilian, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Felix Gabriel, General Manager ng San Mariano Transport Service Cooperative, sinabi niya na miyembro ng ibang kooperatiba sa Cauayan City ang mga ito at suportado nila ang anumang hakbang na ipatutupad ng pamahalaan kaugnay ng insidente.
Iginiit ni Gabriel na hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng pagmamaneho dahil nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada.
Binigyang-diin din niya na mahigpit nilang ipinapaalala sa kanilang mga miyembro na ipinagbabawal ang overloading, pagsasakay ng pasahero sa bubong o topload ng jeep, at lalo na ang overspeeding sa mga lansangan.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Boyet Gabriel, Vice Chairman ng San Mariano Transport Service Cooperative, sinabi niyang ang dalawang jeep na nasangkot sa insidente ay nagsisilbing school service para sa mga estudyanteng bumibiyahe mula Burgos, Naguilian patungong Naguilian National High School tuwing umaga at hapon.
Ipinaliwanag niya na bagama’t bumibiyahe at pumipila sa rutang sakop ng kanilang kooperatiba ang mga naturang sasakyan, limitado lamang ang kanilang kontrol sa dami ng pasaherong isinasakay ng mga ito kapag ginagamit bilang school service, partikular bago at pagkatapos ng kanilang regular na biyahe sa terminal.
Binigyang-diin pa niya na hindi kinukunsinti ng kanilang kooperatiba ang overloading. Aniya, regular na dumaraan ang kanilang mga sasakyan sa mga checkpoint ng pulisya at iba pang law enforcement agencies kung saan mahigpit na binabantayan ang pagsunod sa mga batas-trapiko at regulasyon sa pampublikong transportasyon.
Ayon pa kay Gabriel, ikinabahala ng kanilang kooperatiba ang pag-viral ng insidente, lalo na nang mabigyang-pansin ito ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III. Dahil dito, agad silang nagpulong upang talakayin ang mga nararapat na hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari sa hinaharap at higit na mapalakas ang pagpapatupad ng disiplina sa hanay ng mga tsuper.
Kaugnay naman ng mga reklamong namimili ng pasahero ang ilang tsuper, tiniyak ni Gabriel na paiigtingin nila ang pagbabantay sa kanilang mga miyembro at maglalabas ng karagdagang paalala upang maiwasan ang naturang gawain.
Aniya, patuloy nilang isusulong ang responsableng pagmamaneho at pagsunod sa mga regulasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at mapanatili ang tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo.











