Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa naging sunog sa isang warehouse ng mga gulong sa Barangay Alibagu, City of Ilagan, na nagdulot ng tinatayang P4.5 milyong halaga ng pinsala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City Fire Marshal Fire Chief Inspector Aimee Cariño na natanggap ng kanilang himpilan ang fire call bandang 6:12 ng gabi noong Hulyo 16.
Agad namang rumesponde ang tatlong fire truck at isang ambulansya mula sa City of Ilagan Fire Station. Nauna ring nakarating ang fire truck ng Isabela Provincial Fire Office na nakatalaga sa Barangay Alibagu dahil mas malapit ito sa lugar ng insidente.
Ayon kay City Fire Marshal Fire Chief Inspector Cariño, kinailangang magsagawa ng forcible entry ang mga bumbero dahil nakakandado ang warehouse. Sa pagpasok ng mga responder ay makapal na ang usok at malaki na ang apoy sa loob ng gusali.
Aniya, nahirapan din ang mga bumbero sa pagpasok ng iba pang fire truck dahil sa malaking container van na nakaharang sa pasukan ng warehouse. Natuklasan ding ang laman ng gusali ay mga stockpile ng iba’t ibang laki ng mga gulong, dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy.
Dahil sa lawak ng sunog, agad na nagdeklara ang BFP ng second alarm upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa operasyon. Rumesponde rin ang mga fire station mula sa Gamu, Burgos, Naguilian at Reina Mercedes, gayundin ang mga volunteer firefighters ng City of Ilagan.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, sinabi ni City Fire Marshal Cariño na nakakita sila ng pinched wire sa loob ng warehouse na isa sa mga tinitingnang posibleng pinagmulan ng sunog. Gayunman, nilinaw niyang hindi pa ito pinal na sanhi dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
Batay sa pahayag ng may-ari ng warehouse, tinatayang umabot sa P4.5 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian, kabilang ang mismong gusali at mga gulong na tuluyan nang nasunog at hindi na mapapakinabangan.
Kinilala ang may-ari ng warehouse na si Edilberto Lim. Ang negosyo ay LP Tyrex, habang ang nasunog na istruktura ay pagmamay-ari ng 118 Trading Corporation.
Ayon pa kay City Fire Marshal Cariño, ito na ang pinakamalaking structural fire na naitala sa City of Ilagan ngayong 2026.
Samantala, wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa insidente, kabilang ang mga bumbero, iba pang responders, at mga empleyado ng warehouse, dahil wala umanong tao sa loob ng gusali nang sumiklab ang sunog.
Muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko na manatiling kalmado sa oras ng sunog, agad na lumikas kung kinakailangan, at makipag-ugnayan kaagad sa pinakamalapit na himpilan ng BFP, pulisya, barangay, o tumawag sa 911 upang mabilis na makaresponde ang mga awtoridad.











