--Ads--

Dalawang Pilipinong seafarer ang nasawi, isa ang nawawala at 12 naman ang nasugatan matapos tamaan ng magkakahiwalay na drone attacks ang ilang commercial vessels sa Black Sea sa nakalipas na dalawang linggo, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa panayam, sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na siyam na commercial vessels na may sakay na kabuuang 139 na Pilipinong tripulante ang naapektuhan ng mga pag-atake sa hilagang bahagi ng Black Sea malapit sa southern Ukraine.

Ayon kay Cacdac, ang unang nasawing Pilipino ay naitala noong Hulyo 6 habang ang ikalawang biktima ay naitala nitong Linggo. Patuloy naman ang search operation para sa nawawalang seafarer.

Karamihan sa mga barkong tinamaan ay mga bulk carrier at oil tanker na napinsala dahil sa drone attacks habang nakadaong, nakaangkla o kagagaling lamang sa mga daungan ng Ukraine.

--Ads--

Sa 12 sugatang Pilipino, apat na ang naibalik sa bansa habang patuloy ang koordinasyon ng DMW para sa repatriation ng mga nasawi at paghahanap sa nawawalang tripulante.

Sinabi rin ng DMW na iimbestigahan nito kung sinunod ng mga manning agency at shipping company ang mga itinakdang safety protocol bago pinayagang maglayag ang mga Pilipinong seafarer sa itinuturing na war-risk area sa Black Sea.