--Ads--

Kinondena ng Estados Unidos ang tinawag nitong mapanganib at agresibong pagkilos ng China laban sa mga tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal sa West Philippine Sea.

Sa inilabas na pahayag ng US State Department, hinimok nito ang Beijing na agad itigil ang mga aksyong nakapagpapalala ng tensyon sa rehiyon kasunod ng panibagong insidente sa pinag-aagawang karagatan.

Ang pahayag ng Estados Unidos ay dumating matapos magpalitan ng akusasyon ang China at Pilipinas kaugnay ng engkwentro sa pagitan ng kanilang mga sasakyang pandagat sa Ayungin Shoal.

Ayon sa Washington, ang mga hakbang ng China sa lugar ay nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng mga tripulante at naglalagay sa alanganin sa katatagan at kapayapaan sa South China Sea.

--Ads--

Patuloy namang iginiit ng China ang kanilang pag-aangkin sa bahagi ng karagatan, habang naninindigan ang Pilipinas na ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa alinsunod sa 2016 Arbitral Award at sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Samantala, muling tiniyak ng Estados Unidos ang suporta nito sa Pilipinas sa gitna ng umiiral na mutual defense commitments ng dalawang bansa.